Narsiso

 Kung hindi ba naman ako naging anak ng nanay ko na matikas pa sa tatay ko at sa masigasig na tatay na nagbigay ng katauhan sa’kin hindi ako magiging ako ngayon. Kung may bahagi lang sa Guinness na may pinakamaagang nagkaroon ng nobya, ako siguro ang mailalagay d’on. Kinder pa lang, hindi sa sobra kong maligalig at hindi rin sa maaga akong namulat sa pag-ibig ito ay dahil sa nanay kong masyadong palakaibigan na pati ang anak niya binigyan ng ‘iibigin’.

 Simula n’on hindi na muna ako nagnobya, nasundan na lang nitong nasa ika-limang baitang ako sa elementarya. Hindi sila nakatiis. Ako naman mabilis mapasagot dahilan ng maganda naman siya. Sa buong talambuhay ko hindi ako nakapagharana man laman ni manligaw ay hindi ko naisagawa. Hindi sa ayaw kong manligaw o tamad ako at hindi ko rin gawain ang manlandi kung kaya wala talaga. Ilang buwan lang ang tinagal nitong pangalawa kong nobya. Nakakasawa pala. Nakakaumay minsan.

 Malamang pinagkikibit-balikat mo na lamang ang mga salitang “ang yabang ko. Napakamakasarili ko sa kultura ng mga pilipino at napakaimpokrito.” dahilan sa mga nauna kong nasabi. Ako nga kasi si Narsiso. Hindi mo pa rin ba nakukuha?

 Nasa humigit kumulang apatnapung taong gulang na ako. May matinong trabaho sa isang ospital sa kalakhang maynila. Walang alagain bukod sa isang asong mayroon ako. Minsan nga hindi ko matanggap ang sinabi sa’kin ng isang kasamahan ko sa ospital na may sakit ako sa tuktok, na masyado akong namamangha sa sarili ko. Aalam ko hindi ‘yon totoo dahil kung magkaganun man ba’t hindi ko pinakasalan ang sarili ko? Siya ata ang may sakit, bruhang ‘yon!

 Narsiso. narsiso. May dahilan kaya kung bakit ganito ang ibinigay sa’king pangalan? Hindi kaya magiging mailap ang buhay sa’kin dahil sa ‘siso’, seesaw. Minsan nasa taas minsan nasa ibaba. Bahala na ang bigat ng pagkakataon sa kabilang bahagi ng seesaw. O Nar, dahil kaputol ko ang nagtatayugang puno ng Narra at kailangan kong maging singtibay ng Narra kahit kaputol lang ako.

 Narsiso ang pangalan ko, malamang may kilala kang tulad ko. Seryoso at mismo~

May isa laging busy sa mga senses ko sa isang pagkakataon. Kanina, habang nasa jeep ako sense of sight ang buhay, kailangang alert sa paligid antukin kasi si mama at nakakatulog sa biyahe at kailangan kong makita kung sosobra kami ng Morayta, sa FEU at ‘yon nakarating naman kami mas maaga sa oras.

Bumaba kami at iritado agad ako. Umiral na naman kasi ang ‘nanay’s’ instinct. Nakakainis, ewan ko siguro, tumatanda na nga ako at hindi na ako komportable sa mga palambing na ginagawa sa’kin o nahihiya lang ako kasi hindiganito ang mga magulang ng nakapaligid na estudyante sa’kin—naninigarilyo, nagdoDOTA at nagbubulakbol; hindi ko sinasabing mali ang mga ‘to pero parang gano’n na nga.

Habang naghihintay ako sa labas ng Jollibee para sa meryenda ko gayong wala pa akong tanghalian. Nakatambay ako sa mga fence, nakaupo habang nakatusok ang pwetan ko sa mga patusok para lang magmukha akong komportable, mga paslit na marurungis na hindi pinapapasok at mga matatandang namumulot ng plastik na pinaglagyan ng mga softdrinks na sa tingin ng mga semi-burgis na mga pasosyal pa na estudyanteng nakapaligid sa’kin ay basura na pero pinagkakait pa.

May nahulog na singkwenta at tinuro pa ng kapatid ko, mula ‘to sa isang lalaking pugon kung makahithit-buga at sa senyas na ‘h’wag mong sasabihin, lucky day ko ‘to may singkwenta ako sa birthday ko’. Birthday pala ng kapatid ko ngayon. Dumaan ang matandang-kumukuha-ng-plastik, tinuro ang nahulog na singkwenta pesos mula sa bulsa. Pinulot na para bang wala lang. Walang pasalamat o gantimpalaan man lang ng lima o sampung piso.

Nakinig ng string-na-mala-theater-act-ng-bandang-jonsi at kaunting opera music para mawala ng konti ang irita at inis ko. Naghintay, kumuha ng pagsusulit, napikon dahil nag’error’ ung math part ng exam ko. Mahirap kayang maalala ang mga sinagot nang pahula. Nadale ako ng timer, nagmadahil kaya nakapanghula ako. At kinakahaban ako, baka bagsak kahit na hindi talaga ako nagrebyu at mula d’on wala akong pag-asa talagang pumasa. Ngunit naging maunawain ang Diyos. Pasado!

Gamit at ikaw

Habang nagbebenta*
Bumibili: Isa ngang Orange, Tang.
*inabot-bigay-kuha bayad-upo*
B: May chess ka pala, pogi.
A: Wala na ‘yan kulang na ang piyesa
B: Marunong ka bang magchess?
A: *tahimik*
B: Marunong ka bang magchess?
A: *tahimik. tingin sa kanya.*
B: *umalis*

Ilang buwan din ako no’n nagpakasubsob sa libro nito para mahasa ako sa larangang chess. Simula no’ng unang dinala ni papa ‘yong board na ‘yon tinigil ko na rin ng pansamantala ang paglalaro sa Gameboy at talunin ang mga Elite Four sa bawat versions na mayroon ako ng Pokemon. Batang Réti opening ako at kung ako naman ang itim Sicilian defense naman ang trip ko, nalaman ko lang ‘to no’n at nakalimutan ko na ang iba pang openings at defense sa simula ng laban.

May iba talagang mga pari ang nagbibigay ng magandang homily at trip ko ang paraan ng pag-iisip ng pari na nagbibigay misa sa kumpanyang napasukan ko— wala kasi akong tiwala sa pari hanggang ngayon, seryoso. No’ng ash wednesday pa ‘to. “You are not what you…*insert words here* sometimes.” Hindi ibig sabihin na may suot na rosaryo ang nakakasalubong mong may suot na kapote/oversized shirt, alam na niyang dasalin ng buo ‘yon. Hindi lahat ng guro marunong magturo, ‘yong iba bumabawi lang. Hindi lahat ng mataba, mahilig o palagi o maraming pagkain.

Marunong akong magchess, hindi ko lang pinapakita, minsan na akong lumaban at muntikan nang umabot sa regionals? Kulang siguro ‘yong basa lang dapat may laro rin. Parang sa pagbabasa, hindi mo mararamdaman ang nakasulat kung hindi ka pa nararamdaman o parang sa medisina, kulang sa practice pero todo ka magbasa walang bisa, ang pasyente ay balisa.

At hindi lahat ng sinasabi ng tao ay tama, iwasang maniwala agad. Buo pa naman ‘yong piyesa ng chess board ko, ayoko lang mawala ang kahit na isa. ‘to kasi ‘yong unang gamit natanggap ko sa tatay ko na makabuluhan. puro ba naman laruan at kung anik-anik ang binibigay sa’kin na kalalakhan ko naman.

Nakahaing mga titik

Natatakpan ka na ng magagaling sa una pa lang wala ka naman talaga n’on. Nagkataon lang wala sila noon at ikaw lang ang nariyan kaya gan’on ang siste. Nakakatawa at nakakalungkot. Matatabunan at matatabunan ka rin. Magaling ka man o hindi, may talento ka man o wala at may ‘K’ ka pa man o naubos na tatapakan ka na lang ng mga batang ‘yan. Malalaos at maglalahong parang bula.

Gayunpama’y may gampanin ka pa rin sa buhay. Papayag ka ba na may aspeto silang kinaaangatan at ikaw ay wala? May lamang ka pa rin! Lumabas ka. Bigyan mong katauhan ang dati mong itinitipa. Gaya ng mga karakter na nagawan mo ng mapait na kapalaran ngunit sa huli’y naging matagumpay, tulad ng mga makukulay na salitang isinasahog mo sa ‘yong buhay at kaparis ng mga kaugaliang nakasangkap sa mga kwento mo, isabuhay mo.

Bakit ka panghihinaan ng loob. Kung hindi mo pa talaga nalalaman kung ano ang tunay na putahe at lasa ng buhay na mararanasan mo?

(Source: istokwa)

Depisit

Isa ako sa negosyo na ipinupundar pa lamang. Isang negosyong malapit nang lumaki at kumita ng magarbo nang biglang nasulot ng ibang nalugi nang negosyo. Halika at sabay nating basahin ang buhay ko:

Parokyano ng dyipni sa araw-araw na ginawa ng Diyos, nakakasalubong ng humigit kumulang sa isanlibong mag-aaral sa loob ng pamantasang kinabibilangan ko, nagdadala pa rin ng lunch box gawa ng mahal ang bilihin sa mga establisyementong nakakaharap ko at isang babaeng palagiang pinapaalahanan ng magulang na h’wag sumobra sa oras ng pag-uwi.

Isang gabi lang ang nagpasaya sa buong buhay ko na siya ring ikinabagsak ng negosyo ng aking mga magulang. Isang gabi kung saan kulang ang isang tula, kanta at kabanata upang ilarawan ng maliwanag ang mga pangyayaring nagpasaya at sobra ang dalawang salita, tatlong bigkas at apat na titik upang sabihin kung ano ang nalugi; at ito ay AKO.

Napadala lang naman ang sa mga asar at kantiyaw ng mga kaibigan ko, sinakyan ko lang namang ito at ang masama may iba na pala akong nasakyan, dala ng lasing at pagkawala sa sarili.

Ang kinahuhumalingan at hinahangaan ko man ang nakadale ay pilit akong kinokonsyensa ng sarili ko na h’wag ko nang ituloy ang pagbuhay sa batang nabubuhay sa loob ko dahilan na rin na malaki ang puhunan ang kakailanganin ko at sa tingin ko ay malaking puhunan din ang ikalulugi ng magulang ko kung ipagpapatuloy ko pa.

Handa ko nang sabihin ang pangyayaring ito pero hindi pa ako handang makinig sa sasabihin ng mga nagpalaki at nagpundar sa’kin. Natatakot lang ako na baka itapon at iwanan na lang nila ako tulad ng mga negosyong nalugi at hindi na nakitaan ng anupamang pag-asa upang magpatuloy. Para lang akong maikling kwento, sa isang upuan lang ay matatapos na ako…

(Source: istokwa)

May oras ang lahat ng bagay.

Nasisilaw ako sa katanyagan. Katanyagang maaaring makasira sa aking buhay. Lahat ng tao pinagtitinginan ako, nakakatakot parang lalamunin ako ng madla. Nakakainis ang mga taong nagkalat ng balita. Putragis, mga nagdyodyos-dyosan, akala mga perpekto. Ano ba naman kasi ang mali sa pagmamahal ng isang tao? Mali ba ang magmahal? Peste. Maging bato ba ang gusto nila? Gusto nila na lokohin ko ang sarili ko, mahirap yun. Sila kaya? Pero sa tingin ko tama sila. Anong magagawa ko, e nakagawa ako ng masama. Dahil sa pag-ibig, hays. Ngayon narito ako sa piitan, nagsusulat ng mga araw na tinagal ko. Sa bilang ko mga 3652 na araw na akong nakakulong. Ngayon ang taong minamahal ko may asawa na, ilang anak. Balita ko isang puti ang napangasawa niya, maunlad na ang buhay niya. Buti pa siya. Sana hindi ko na lang pinagpatuloy ang mapusok kong damdamin patungo sa kanya. 

Nang dahil sa pag-ibig nasa rehas ng bakal ako ngayon. Nang dahil sa pag-ibig nangangayayat ako. Nang dahil sa p@!@(*^! na pagmamahal nasira ang pangarap ko. Tama nga si Bokals sa tinuro niya, sa librong eklesiastes daw matatagpuan. siguro mahal yung ganung libro. Basta ang sabi sa isang chapter daw dun, may oras sa lahat. Oras sa pagmamahal, oras sa pag-aaral at oras sa sarili. Hindi ko hinintay ang oras ko, ngayon bilang na lang tuloy ang oras ko, ilang araw na lang ang nalalabi, bibitayin na ako sa kasong nagawa ko dahil sa maling oras ng pagmamahal at maling intesidad na inilapat ko. 

Kung nalaman ko lang siguro ito ng maaga, kung nakilala ko lang ng maaga ang Panginoon siguro, hindi ako nakapanggahasa ng isang marangal na babae….

(Source: istokwa)

Ang mga utos ni Inay: Pagharap sa mga luma.

Sa wakas, nagising ako ng walang dinedependehan. Hindi ang araw ang gumising sa’kin. Hindi rin ang sigaw ng aking magulang kundi ang sariling lipi ko na naghahangad na magkaroon naman ako ng inisyatibo.

Para tumulong sa gawain? Hindi para maagang makapaglog-in sa mga site ng internet. Pero sa kabutihang palad hindi natuloy ang plano ng katawan ko, ng utak ko at ng sarili kong kagustuhan. Pagkagising ay may mga tambak na pinggan na sumambulat sa’kin mga rumi sa karpet at mga kagamitang wala sa ayos. Natapos ko naman bagaman tanghali na nang ako’y nakapananghalian. Ayos rin pala ang paggawa ng mga gawain sa bahay, instant tulong na, instant ehersisyo pa! 

Nakaharap ko na ng saglit ang kompyuter pero hindi parin ako nakatakas sa walang katapusang utos ng aking ina. Pinagsundo naman akong kapatid ko sa paaralan na pinasukan ko nung nasa mga pangalawang anim na taon ‘kong pag-aaral, una yung kinder, preparatory, eklavu.

Sa aking paglalakad, nakaharap ko ang mga batang mistulang dwende sa liit, mga nanay na parang aswang ang itsura dahil sa sobrang konsimisyon para lang mapapasok ang kani-kanilang anak, mga adik na hitit-buga at mga out-of-school-youth na nagsisipaglaro sa mga kanto ng kalsada habang may dumaraang mga side car.

Sinariwa ko ang aking ala-ala at tinanong ng aking sarili, “Sino ang nagkulang? Hindi naman ganito dati ha? Lahat may dalang bag at mga mararangal ang itsura ng karamihan, walang adik ni wala ngang nangungunsuming magulang nun bukod sa magulang ko dahil sa aking kakulitan at dala narin ng kuryosidad. Ah bahala na, kasalanan ko na lang para walang problema.” Dineretso ko na ang aking daan tinitignan kung may mga nagbebenta ng bayabas sa palengke na dagdag utos ni mama. 

Naghintay ng sandali dahil mukhang napa-aga ako ng dating. Nakita ko ang dati kong mga maestro at maestra, nagsisikulubutan na ang balat at unti-unti na ring pumuputi ang buhok hindi ko alam kung sa katandaan o sa kasuwailan ng mga naiwan kong mga kababata. At tiyempong nakita ako ng dati kong maestro na tabingi, may pagkababae kasi kung gumalaw. Umiwas ako dahil sa trauma ko nung nakasama ko s’ya sa Boy’s Scout Camping namin way back 2007. Hindi ko na ike-kwento, nakakatakot na.  

Tumakas ako sa paningin ng nasabing maestro at sinundo ko na nang tuluyan ang aking kapatid. Ginasta ang bente pesos dahil wala namang bayabas, treat ko na rin sa aking kapatid. Sinusumpa ko na ang paglakad ko pabalik sa eskwela, nangingilabot na ako. Ipagdadasal ko na lang ang lahat, gusto mo isama kita?

(Source: istokwa)

Paghuhubad sa Dyipni.

Tirik ang araw, dumadampi ang mainit na halik nito sa darang kong balat habang binabagtas ng pampasaherong dyipni ang daan papuntang quiapo. Araw ng linggo araw namin ng pagsamba, kasama ang aking ina at ang aking mga naiinip nang mga kapatid na kumain sa paborito nilang kainan pagkatapos pa ng misa. Mula sa paglalakad papunta sa pila ng mga dyip ay maraming mga batang nagsasaya, naghahabulan at nakikipagpatintero sa mga nagdaraang sasakyan para lang kumita ng piso sa isang basahan. Nakapanlulumo makakita ng mga batang nagta-trabaho imbis na nakikipagbuno sila sa kamangmangan upang matuto. 

Habang tinitignan ang aking ina na nawawala ang balanse ng ulo parang tumatangong hindi malaman ay unti-unti na rin akong nahahawa. Hanggang sa may sumakay na matandang babae, maaaninag ang katandaan niya sa mga guhit sa gilid ng mata at ang lumalawlaw nang mga pisngi at sa balat nitong kumikinang. Nagising ang aking ina mula sa kinawiwilihan niyang panaginip at sandaling pag-idlip, makaraan ang ilang mga segundo, mula sa pagkatulala sa labas patingin-tingin sa mga burgis na tulad namin ay nagulat ako nang biglang kausapin ng aking ina ang matanda, na siya palang ingat-yaman ng baranggay malapit sa’min dati.

Mama(M): Nahulog po ang pitaka niyo, eto po. Ako nga po pala si Vicky.
Matandang babae(Mb): Salamat, Ako si Tina (hindi totoong pangalan) 
*mahabang usapan, pumasok ang usapan patungkol sa baranggay.*
M: Mababagal nang rumesponde ang mga opisyal ng baranggay ngayon, noon isang tawag lang na napundi ang street lights okay na agad, ngayon wala na kahit na nung isang linggo pa nireklamo hanggang ngayon wala parin. Kupit ata?
Mb: Oo, nga e. Nung panahon pa ng panunungkulan ko ay ayos ang lahat, hindi pwede ang kupit, ako ang nagba-badyet. Hindi ko nga maarok kung bakit andaming mga kagawad at mga Sk, hindi naman nagsisigalawan.
….
Mb: Ngayon, SK chairman ang pamangkin ko. Konti lang ang nakukuha nila, ang sabi-sabi ay kinakaltasan ni Chairman ang lahat, pati raw ang para sa proyekto. Kaya maraming kabalbalang nangyayari sa daan.
M: Kita ko nga sila minsan sa kanto nakikisali sa tong-its tsaka sa pusoy. Nakakandong pa ang misis niya habang naninigarilyo.
Mb: O’sya mauna na ako, magpapa-check-up pa ako. Kaawaan kayo ng Diyos.

Lahad kung lahad ang pagkaka-usap nilang dalawa. Parang walang nakikinig na mga pinag-uusapan nilang dalawa. Mainit pa sa ihip ng hangin, malutong pa ang mga salitang nabitawan kaysa sa Chicken Joy ng Jollibee at malasa pa sa French Fries ng Mcdo na laging pinipilahan ko.

Maraming nangyayari sa Dyipni tulad nito, lalo na sa mga taga lungsod dahil ito ang talamak at ito ang mas mura sa lahat, kahit na sa pedicab o sidecar kung tawagin ng ilan. May mga nangyayaring milagro, mga kabulastugan, mga kwentong pag-ibig, pagsisimula ng bagong kaibigan at iba pa. Ikaw, may kwentong dyipni ka ba o kung anong kwento na s’yang nagsimula ng bago at preskong kaalaman o kaibigan? 

(Source: istokwa)

Pagsalubong sa bagong taon, Ingay na walang putok.

Mabenta. Kinahahayukan ng marami. Buong madla ang naghahanap. 

Uso na naman ang pagpapaputok. Uso na naman ang mga butasan ng bulsa. Uso na naman ang napuputulan ng daliri. Uso na naman ang mga naliligaw na bala, dahilan ng hindi naman nagagabayan ang mga bala. Uso na naman ang mga bumberong mabagal gumalaw kung may sunog. Uso na naman ang mga pulis na irresponsable na gagawing paingay ang baril na mayroon. AT mag-uuso na naman ang mga pagsusulat sa likuran buwang Disyembre ng pasasalamat sa nakaraang buwan at pagsusulat muli sa isang malinis na papel para sa nakagawian na nilang ‘New Year’s Resolution-List’. Ako kaya, kailan kaya ako matatauhan. Matauhan sa mga pagkakataon nasasaktan ako? Kailan kaya uuso ang mukha ko gaya ng iba na unti-unti na ring umuuso? Bakit ba kasi mukhang naputukan ang mukha ko. Taragis.

Naging madugo na rin ang taong ito pero wala akong balak na isulat pa ‘to sa likod ng disyembre-ng kalendaryo. Tama na pagmumukhang tanga sa pag-ibig. Ilang beses na rin binasag ng pagkakataon ‘tong puso ko. Una naghiwalay kami ng kasintahan ko, yung mga pagkakataong umiiyak si mama at yung huling nagpaasa sa’kin. Tama, pinaasa lang ako ni Gab este pinaasa lang ako ng pagkakataon, nakakainis. Pasensya kung hindi ko na naikwento ang huling araw, masakit nang marinig tapos isusulatype ko pa, baka kapag binasa ko muli para sa ibang rason ay masaktan na naman ako. 

Ngayon totoong ibang pampaingay na lang ang hahahawakan ko mahirap kasi kung anu-anong paputok masasaktan lang. Ang ibig kong sabihin rito ay ang mga pag-ibig lang na hahawakan ko ay yung ibinigay na simula’t sapul nang ako’y mabuhay. Mahirap nang magoyo pa ng iba. Baka pag sinubukan ko e, masaktan lang ako, dahil sa oras na inihagis ko at hindi pumutok may mga pagkakataong, manghinayang ako at pulutin ko muli pero sa oras na pinulot ko dun biglang puputok. Tsaka, makakasakit ng bulsa at may pagkakataong maputukan pa ako. Makakapagpatuloy naman ako sa buhay kahit na walang paputok tulad ng bagong taon, makakapagdiwang naman ako ng bagong taon ng walang paputok. 

New Year’s Resolution ba kamo? Wala, makikisabay na lang ako sa agos ng panahon. Pero pipiliin ko ang agos na sasalihan ko, maj3j3j3 pa. Ibabahagi ko ang torotot ko kung sakaling wala kang pampaingay. 

Textmate ba kamo? Pahingi ako ng selpon.

May nagtanong na ba ng numero mo? May mga lumapit na ba sa’yo para itanong ang pangalan mo? Anong sagot ko? Siyempre yung tugma sa tanong, aning ka ba? May nagyaya na ba sa’yong lumabas kasama ang mga barkada ng nagyaya sa’yo? May nagbigay na ba sa’yo ng dolyar, yen, pound o rial sa sandaling pamamalagi? Tama na ang yabang tapusin na ang pag-iimahina. Ako nga pala si Maicy (mey-si), walang tiyak na tirahan. Bata pa sa gulang ng bente, anak ng isang nasirang labandera tumawid kasi ang itay sa kabilang bakod. 

Isa akong alitaptap. As in isang babaeng lumalabas lang tuwing gabi dahil dun kami pansinin. Babaeng bayaran sa madaling salita sa balbal na lenggwahe naman kung hindi pa wari ay isang pok pok. Bakit ako nagawi rito? Para magbigay kaalaman na mahirap ang ganitong buhay, pasok-labas, pasok-labas ang kung sinu-sino.

Peste, hindi biro ang maging positibo sa kung anu-anong tests. Yung pregnancy test na yan, hindi na nakakagulat yun. Yung drug tests, minsan lang naman. Pero minsang nabigla akong nagtataglay pala ako ng isang virus. Nakakalungkot at marami na akong biktima at ako mismo ay naging biktima. 

Leche, sasabihin ko sa’nyong mga kabataan na bago kayo magpapasok lalo na sa babae ay pag-isipan niyo muna, alamin kung sino ang kasama. Kilalanin ng masinsinan, hindi porke mayaman at mukhang kaya kang panindigan ay okay lang. Tandaan mo mukha palang hindi pa nasusubukan, wala pang record of responsibility.

Hello, hindi ako nangahas na dumayo rito para lang sa wala, para narin sa kaligtasan ng lahat. Galit ako sa HIV, lalo na sa mga ads na kunwari’y ayaw ng AIDs pero ang mismong mga gumawa ay mayroon at gusto pa lang magkaroon. 

Kung bata ka pa, manatili ka lang sa ganyang katayuan. Masarap ang umasa sa magulang, sa mga sinusustento nila at binibigay nila ay lubos-lubosin na. Kung gahol ka sa pera, h’wag mo akong gayahin, maraming alternatibo jan. Mahirap maging alitaptap, mahirap malamigan sa likuran, mahirap mamatay ng dahan-dahan, at siyempre mahirap magtipa sa keyboard kung patay na. Nahihirapan na ako. Tapos na, Sa wakas!

Ma, hindi tayo parehas, iba ang dinaanan mo, iba ang daan na nilaan sa’kin.

Matututo ako sa inyo, matututo kayo sa’kin. Give and take.

Marami na rin akong karanasan sa sumbata ng magulang para patunayang laging mali ang ginagawa ko bilang anak, bilang panganay at bilang isang mamamayang pilipino. Sa t’wing nahuhuli ako ng dating sa bahay o sa mga pagsasalong mayroon ang pamilya panigurado may special meal para sa’kin si mama, kalimitang humahantong sa pagyukod ng aking leeg at pagkadismaya sa pagtatanggal ko sa sarili ko ng karapatang magpaliwanag at sumagot ng ayon sa ginawa ko kaya ako nahuli ng pagdating.

Lagi na lang, lagi na lang akong nabubusog sa pangaral, sa mga pagsumbat, sa mga salitang parang sirang plaka na sobrang gasgas na sa paglalakad ng panahon. Palagi na lang nadudungisan ang karapatan kong magsalita. Lagi na lang nasusulsihan ang bibig ko sa t’wing masasabihin niya ang katagang, “Pabalik na ako, papunta ka pa lang. Alam ko yang ginagawa mo. Tumigil ka!” para akong mediko na binawasan ng karapatang manggamot ng nakatataas sa’kin. Wala akong magawa, kundi sumunod at magmukhang tanga para hintayin ang pagkakataong maipaglalaban ko ang karapatan ko.

Pero nitong linggo puno na ang alkansyang may tatak na ‘hinanakit at napagkaitang mga karapatan’ akala ko sasabog na buti na lang naihanda ko ang sarili ko sa paglaban na magagawa ko. Ipasok ang pamagat ng paskil, “Ma, hindi tayo parehas, iba ang dinaanan mo, iba ang daan na nilaan sa’kin.” at naibsan ang matagal ko nang gustong ilabas. Hinanakita mula sa kaibuturan ng kaalaman at puso ko. 

Simula nang banggitin ko ang mahiwagang linya ko at naputol ang litanya at siguro ay napag-alaman niyang tama ako. Iba, iba-iba ang tinatahak ng tao. Yung iba sa maputik na daan, yung iba sa mainit, yung iba sa madulas na daan at yung iba ay sa kung saan nila gusto, pwedeng sa foot bridge pwede rin naman sa highways o kaya naman maging tulay sa ibang tao kung pabalik na sila sa pinanggalingan nila. 

Ewan ko lang, sana ganun nga ang nasa isip ng nanay ko. Hindi yung karaniwang naiisip ng mga magulang t’wing sumasagot ang kanilang anak, isang rebeldeng anak, isang bastos na anak at isang walang hiyang anak. Sana hindi ganun. Sana isang anak na nagtuturo sa kanyang magulang, isang anak na pinupunan ang maling pag-aakala niya at isang anak na nagmamahal kaya ganun na lang ang pagsagot niya ng katotohanan sa kanyang magulang. 

(Source: istokwa)

Fo(e)-Reign.

Proud to be a Filipino, kuno.

Nakapagsuot ka na ba ng barong? Kung babae ka’y baro’t saya naman? Ang tanong, pilipino ka bang ganap o pilipino lang sa salita at wala sa gawa? Ano bang tinitibok ng utak mo at ginagana ng puso mo? Mga banyagang seksi o mga konserbatibong pilipina na hindi hinamak man lang na magsuot ng pekpek shorts o micro-mini ang pinasosyal na terminolohiya.

Mahilig tayong tumangkilik ng iba, pero ang sarili hindi. Kinalilimutan na, kumbaga sa pagmamahal (dito ko na lang ihahambing dahil marami namang nakaka-relate) mas pinahahalagaan ng isa ang iba kaysa sa sarili niya. Mas minamahal, mas inaalagaan, mas inaalala at mas iniisip. Parang ako rin kung minsan, mas naiisip ko pa kung ano ang kalagayan ng gamit sa loob ng bag ko kaysa sa sarili ko na nagmumukhang basura at nanlilimahid na damit sa harap ng maraming tao—matataas na tao.

Yung mga itinuturing ng mga bayani natin ay ngayon siyang matalik na kaibigan natin. Tayong may bansa iba ang nangingibabaw. Napapailalim ang sariling atin, hindi ako bitter kaya pinaskil ko ‘to, wala lang maihayag ko lang ang nasa bunbunan ko. Ang kalaban natin sa pag-angat ng ekonomiya ay umaangat na samantalang ang atin ay hindi pa dahil na rin nagpi-piling sila ay tayo rin. Na ang ang kaya ng iba ay kaya natin, tulad na lang ng nakaraang pagtaas ng mga bonus sa mga gov’t employees, tataas taas pa’no naman yung mga naghihikaos na kababayan nitong mga ‘to. Yung mga nagbabayad ng buwis ang siyang nangungulila sa mga naibibigay nilang buwis. Minsan nga nabu-buwisit na sila.

Talaga ngang naghahari na ang mga katunggali ng ating bansa sa pag-unlad, natatalbugan tayo, dahil na rin sa tulong natin, na siyang mas ibinabandera natin ang ibang bansa o ibang lahi. Foreign o local. Local o Foreign, ang gulo. Gusto nating mga mamamayan ng pilipinas, Nagrereklamo tayo sa isang bagay na tayo ang may gawa o ang dahilan. Gusto nating umunlad pero tayo ang gumagawa ng paraan para mapabagsak pa. Parang ‘to, pero ginawa ko ‘to para madrive, ang mga pusong sakim, chos. Mas mabuti pang mamatay kahit na walang nagawa, kesa naman sa buhay pero hindi makagawa ng paraan. 

(Source: istokwa)

Spinach is love.

Nung bata ako obligado akong kumain ng gulay hindi dahil pinipilit ako ng magulang ko, dahil gusto kong maging si Popeye, lumaki ang katawan at lumakas. Masyado akong naho-hook noon sa mga cartoons na nakahuhumalingan ko noon at ngayon ay nakokornihan ako. Ngayon habang pinapanood at sinasariwa ko ang ala-ala ko ay iniisip ko kung bakit ako napapangiti at nababatukan ng magulang ko. Pero hindi lang yun ang itinulong ng palabas na ito, tinuruan ako nitong pakainin ng sinusumpa ng mga kabataan ngayon, ang gulay.

Bakit nga ba tayo nagmamahal? (kung ige-generalize yung tanong. Hi Baby~)

Ang hirap sagutin kung iisipin ang isasagot at kung huhugutin ang kasagutan sa kaibuturan ng puso. Ang pagmamahal ay isang opsyon na siyang pwedeng maging ikahirap o ikayaman ng isang tao. Ikahirap at ikayaman hindi sa aspetong pera, kundi sa emosyonal na aspeto. Kung maudlot ay mapupunta sa depresyon kaya hihirap at ikayayaman kung hanggang ~*’FOREVER’*~ ang nararamdaman nila sa isa’t isa. May opsyon kaya may desisyon na kaakibat at sa desisyong iyon ay papasok ang pinakamahalagang parte ito ay ang pagiging responsable. 

‘Pag ka naging responsable na sa mga nagiging desisyon ay dun papasok ang obligasyon hindi para sa kailanganin lang dahil nararamdaman na ang kagustuhan. Tulad ng spinach kinakain ko siya hanggang ngayon, hindi dahil sa pinipilit ako, dahil sa kagustuhan kong kumain na nito. 


(Source: istokwa)

Kamay na bakal o salitang mainit?

I would like to thank PETA for their play, Rated PG. (hindi yung PETA sa mga hayop—theater yung PETA-ng tinutukoy ko) Wow!, Ingles.

Ano ba dapat ang ipinandidisiplina sa isang bata? Pananakit at panto-torture o pagbibigay ng bisig at pangangaral ng hindi napipilitan ang bata na pakinggan ang sinasabi ng magulang? 

Malinaw na pinakita ng mga artista ang gusto nilang maibahagi sa bawat magulang. Ang buong play ay nakakatuwang nakakatouch, ewan ko sa buong play ay natatawa ako dahil sa mga nilalapat nilang mala-Vice Ganda na banat. Nakakatawa pero kulang sa sentido-kumon. Hindi magkakamaling ulit-ulitin pero tama na ang isa lalo na sa paghihirap ng marami, sa hirap ng buhay ipangkakain na lang ang dapat pangalawang pagkakaaong panonood. 

Nakakatuwang isipin na hindi lagi ang anak ang mali, minsan ko ring naisip na ang laging may sala kaya inuulit-ulit parin ng mga bata ang pagkakamaling nagawa na nila. Palo rito, palo roon. Hampas dito, hampas doon. Parusang malupit dito at doon. Sa kabila nung mga yun ay hindi talaga mararamdaman ng bata ang pagmamalasakit. Sa una magiging epektibo pero sa mga susunod ay hindi na dahilan ng magiging kasanayan na ang palo samantalang ang maiinit na salita na siyang makakapagpalamig sa estado ng bata ay hindi. 

May mga magulang na nadala ng play kaya marami-raming lumuha ng patago, isama pa ang mga nagsisising mga bata at binata/dalagang tulad namin—magkakaklase. Ayun, iba parin ang pagkikipag-usap ng personal. Hindi lang basta palo, pakain ng sabon para hindi na magmura ng mas malutong pa sa manggang hilaw at hambalusin ng walis para magtanda kundi mga mainit na salita mula sa nag-aalab na puso na gawing mabuti ang gustong turuan ng tama. 

Mainit na mga salita pero nagpapalit ‘gang magpanting sa kaliwang tenga magiging malamig sa loob ng utak, wala nang lalabas. Yun ang natutunan ko, hindi palo, magkakalatay at matatauhan. Iba ang pagsasalita o pakikipag-usap ng personal, parang yung pangyayari pagdating ko. ‘Nagawa kong saktan ang isang lasing dahil na rin sa sobrang pagmamahal ko sa ina ko. Pakyu ka lasinggero, ni hindi nga sinisigawan ng itay ko ang ina ko, ni pitik nga wala e. Tas ikaw pa? Nakatikim ka tuloy ng malutong na suntok.’

Anong tama o mali? Ang mamalo o ang pakikipag-usap ng personal at paglalapat ng mainit na bisig sa nanginginig na diwa ng isang batang nagkasala.

(Source: istokwa)

Busog sa pang-aalipusta.

Tinatamad na akong mabukas pa muli ng pagkakataon. Ngayong unti-unti na akong nakakapag-ipon sa Alkansya ko nakakatuwang makapuno ng isang-dalawa-tatlong alkansya sa konting panahon pa lamang. Ngayon nasa ikaapat na ako, malapit na. Malapit ko nang magamit ang napag-ipunan ko, sa darating na isa pang taon magagamit ko na lahat ng natutunan ko sa kolehiyo.

Habang ako nag-iipon lakas ng loob, kaalaman at karanasan sa buhay ay may iba namang mga abala rin sa pag-iimpok ng iba maaaring tulad ng sakin pero panigurado ay may iba pa. Tulad na lang ng mga kaklase ko sa isang asignatura, mga mukhang maayos na babae pero may mga malisyosong pinag-uusapan. Sinubukan ko namang makinig, maki-usyoso at makichismis. Patungkolsa mga laman ng tiyan nila ang pag-uusap. Hindi yung kinain nila kanina sa Mcdo o sa’n mang karinderya na maaaring makamura sila o magmura. Kundi yung pinagsamang similya ng lalaki at ng babae, lupet, may mga bata na sa loob ng tiyan. Na nung bata ako akala ko ay kinakain ng babae ang bata kaya nagkakaroon ng baby tas tinatae. 

Mukhang tuwang-tuwa, samantalang ako pinipigilan ko ang sarili ko na maging binatang ama. Iba ang ngiti at kilig na nararamdaman nila sa kung anung meron sa kanila. Ibang alkansya ang binubuno, ibang kasiyahan ang natatamo. Yung isang babae ay tuwang-tuwa wala nang mapaglagyan ang kasiyahan niya dahil isang ~*fo-ranger*~ ang ama ng anak niya at kampante siyang paninindigan siya. Yung isa, okay lang kahit na pilipino lang ama atlis pogi raw at paninindigan rin siya. Medyo naka-amoy ako ng diskriminasyon. Pero ano na nga lang ba ang dapat kong maramdaman, e sa iyon ang katotohanan. 

Yung mga kabaro nga natin ay pinagsasamantalahan tayo ng hindi natin batid yung mga iba pa kaya? Pumayag nga tayo na alipustahin tayo ng iba ng walang bayad yung may bayad pa kaya? Yun siguro ang paninindigan nitong mga babaeng naririnig kong nag-uusap o guni-guni ko lang tulad ng pagmamahal ng naging kasintahan ko. Ako nga pala ulit si Niko, sinusubukan kong alamin ang mga lamat na mayroon ako, ibang tao at ang malaking gusaling ikinabubuhay ng naka-upo at ikinamamatay ng pinapanungkulan. Sige, mauna na ako. May klase pa ako. Salamat.