Prosaiko I: Himaton ng paghihirap

‘H’wag mong ugaliing nakataas lagi ang noo mo dahil magmumukha kang laging nagmamalaki, maging mapagkumbaba ka at minsan tumingin sa ibaba para mas malintindihan mo ang realidad’ ang palagiang ibinibilin ng ina ni Mani sa kanya.

Itinalon niya ang tuwa niya nang makapulot ng dalawampung piso dahilan ng bata pa lang siya at marami pa siyang mabibiling kendi at mga sitsirya. Hindi kailanman tumingala nang makakita siya ng pera, palagi siyang umaasa. Umaasang may magkakatitigan siyang Quezon sa daan. Ito ay natigil lang nang maisip niyang ang swerte dumadating lang at hindi hinahanap o hinihintay—walang swerte. Na kailangan niyang makakita ng tae kung mas hahabaan niya ang pagyukod at pagmamasid.

Hindi na ako bata, hindi na ako tagasunod ng mga sitsirya at marahil mga anak ko na lang ang nakakapagkendi sa hirap ng buhay. ‘yong bente pesos ay dati sobra pa para sa merienda ngayon wala na, mahirap nang mabusog sa halagang ‘yon. Hindi na ko pinairal pa ni ikinwento ang pagtingin sa baba para lang magpakumbaba. Tama na ang pagbibigay ng tiwala, paniniwala at pagmamalaki para ka mabuhay. Para hindi ka tapakan at gawing basahan ng mga palagiang nauuna ang noo sa paglalakad.

Kulang ang mga bayani at presidenteng ‘to
para mabuhay tayo sa isang linggo
Anong magagawa ko, ito,
‘to lang ang makakaya ko.
Kulang si Rizal, Boni, Lumpo
Quezon na may hepa, kahit si Sergio
Kahit pa ba si Roxas tsaka anong panama ng mga Aquino?

Barya lang ‘yan sa mga naka-upo, walang barya-barya sa umaga sa kanila. Wala nga yatang umaga para sa kanila laging oras ng pagta-trabaho, trabahong pansarilinan. Hanggang ngayon nga hindi ko maramdaman ang ‘Katahimikan at Pagkakaisang’ inilunsad ng mga Aquino, ang tanging naramdaman ko lang ay ang presensya ni Marcos nang maganap ang Martial Law. Kahit nga ang perang pinaglagakan kay Aquino dadaan lang sa palad pero walang tatagal.

Kailan kaya malalagay sa pera si Marcos, baka sakaling maramdaman ko rin? Kung si Pacquiao kaya, para makamtan ang pagkakaisa? Si Sotto? Para iisa lang tayo, mayaman dahil nagkakopyahan na pati ang estado ng buhay? Paano kaya, ano?

Uy. Nanggagalaiti siya. Uy, napatingin siya sa lupa baka may mapulot. Uy, nakakita siya ng tae, ingat!

Mahal ba kamo?

gusto mong magmahal? h’wag ‘yang nakatabi mong maganda sa dyip, mas lalo na ‘yong balingkinitan na kaharap mo sa lrt o ‘yong nagpapasulyap ng konting hinaharap sa may likod mo habang naglalakad sa kahabaan ng recto na dahilan ng paglingon-lingon mo. gusto mong magmahal? h’wag muna lalo na kung kasing edad lang kita. bad kaya ‘yon lalo na kung mcdo fries lang ang gusto ng gusto mo. 

mahalin mo muna nanay at tatay mo, sila kaya ang nagtimpla ng am mo, ang naghuhugas ng pwet mo at umaalalay sa’yo. alam kong noon ay nais nilang marinig ang boses mo pero ngayon ayaw nila, maano ba naman ang makipagkamustahan o sabihan na mahal mo sila, korni man, ginagawa ko ‘to. kesa naman murahin ko sila.

tapos mahalin mo ang taong nasa paligid mo, h’wag mo silang awayin ni sirain ayos na ‘yon. h’wag mong gawing literal ang mga naunang parte ng talatang ‘to. magbigay ka at makakatanggap ka. 

mahalin mo ang nangwawalanghiya sa’tin. ang mga sinungaling na senador, ang mga basurerong kongresista at mga kalihim na lihim na kumakana sa kaban ng bayan. mahalin mo ang malakanyang dahil mas mataba ang lupa dito kumpara sa mga palayan. mas magiging malusog kung didiligan ng mga dugo ng tatanga-tangang naka-upo (na sana ay sa silya-elektrika) at gagawa ng batas na wala sa panahon, may masabi lang—kokopya pa. 

bago ang lahat ng ‘yon, mahalin mo ang Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal ng mga nabanggit. maging masugid kang tagapakinig, tagasunod at irog ng mga tao Niya. 

Kadena

oh, bansang hirang
na nabiyayaan ng malusog na lupa
lahat ‘yan, h’wag magbilang
kaya’t maraming banyagang nagkakandarapa
ngunit tayo’y walang sapat na harang
kaya tayo ay agaran nilang nilalapa
isa-isang kinukuha ang kinang
ng isang araw at tatlong tala
nasa’n na ang pinaglaban ng bayaning nahirang?
na hinugasan ng dugo at pawis ang bandila.

bakit pinagpaparaya
lahat na lang pinalaya
ni ang mga kailangan ng kadena
tayo ay nilapastangan,
yaman ay pinabayaan,
kasalanan ay pinabulaanan

mga balitang nakakatakot
nagdadala ng hilakbot
sa pansin at humahakot
dahil sa mga taong nakasuot ng salakot,
mga sakang at singkit
mga matatangkad na may anghit
at mga magagarang hindi nag-aahit

sino nang ating sasandalan
kung ang lupang napakayaman
ay pinamimigay sa mga nandarayuhan
paano na ang matagal pinaghirapan
mga pinuno ngayon ay hindi na maaasahan
ang isa sa ina ng tao ay sunod sa kapangyarihan
kailangan na ng unang bugso ng ‘pag-asa ng bayan’
nang matigil na ang pang-aalipin sa mga nahihirapan

nauuso ang alupihan
nagiging parte na ang lahat
gawa sa bakal na hindi naliliha-an
na siyang pinagtapunan ng dugong mga bayani.

(Source: istokwa)

Reto

“Aba, aba. Wala akong kinalaman diyan, nireto lang ako ni alkalde. Ako ang uupo siya ang bahala, walang kawawa ‘ika nga niya.”

—Pards

iyon ang wika ni alkalde. natutuwa nga ako, ba’t ako? wala namang kinalaman ang tinapos ko sa kolehiyo sa pamamahala ng lugar. ayos lang kung isang baranggay, aba e, buong lungsod ba naman ang aalagaan ko este ni alkalde sa panahon ng aking pamumuno kung ako ang pipiliin.

halos lahat ata ng tao rito sa malapit sa’min ay kilala ako, sino ba naman ang hindi sa pagiging maralita ko ay nabibigyan ko ang kapwa ko mahirap ng tulong kahit pisikal na pag-aayos lang sa bahay at pangungusap na pag-aayos sa buhay. sikolohiya ang tinapos ko tas ang hantungan ko ay city hall imbis na sa ospital ng mga may napitik lang na nerve sa utak o sa paaralan tutal ay may kinuha naman ako yunit sa pagtuturo.

isa na naman ‘to sa iskema ni alkalde. akala niya hindi ko alam ang nais niyang mangyari, hindi ako nag-aral para lokohin lang ng isang konti na lang ang hiyang ikinukubli—may konting respeto pa naman. minsan n’ong nakaraan balak niya sanang patakbuhin ang misis niya, nabigla siya. nakakatawa.  sarili niyang asawa hindi niya kilala ng personal, masyadong abala sa negosyong pampulitika ay hindi na nakakamusta ni alamin ang nakaraan ng asawa.

papareto ako pero hindi para sa kanya, para sa mga tao sa kalunsuran na suyang-suya na sa usok na nilalabas ng mga sasakyan at magiging usok pa ako ni mayor, aba sobra na siya. pressured na nga ang atmospera pati ba naman ang kalooban?

hindi ako maskara na pinantatapal sa pangit na mukha. hindi rin naman ako utot na ilalabas tapos itatangging sa ako’y sa kanya. ilaw na tatakpan ng ibang kulay kahit na talagang puti ang budhi ko. nakaka-inis, bakit ba nauso ang pagnenegosyo sa politika?

(Source: istokwa)

Ligaw sa kasalukuyan

balutin mo ako
          ng kamangmangan
saklubin mo ang sentido
           ko ng kabulastugan
buoin mo ako, o hirang
           buoin mo ang pagkasira ko
iwasiwas mo ang baderang
           dati’y pinahahalagahan ngayon ay
             makikitang pinanlalampaso.

nawala ang ipinundar
 initsa na ng kabobohan
 sinabuyan ng kahihiyan
 nasa’n?
 nasa’n na ang ating inang bayan?

Naging katatawanan
 imbis na maging katawan
 o maging katuwang
 ng bansang tulad natin ay nasasakupan
 ng mga kupal, lokohin mo ako—kung hindi mo alam kung sa’n?

(Source: istokwa)

Welcome to the Jungle!

higpitan mo ay magpupumiglas
luwagan mo ay magwawala
bumuo ka at dudurugin
pabayaan ay ikaw ang madudurog

o pilipinas, ligaw ka parin.
hinahanap ang sarili,
hinahagilap ang mga bahagi
hanggang ngayon, walang kwentang hangarin
parin ang umiiral
sa abang minamahal—(kung minamahal nga ba?)

putol ang mga pangil ng hayop,
kalbo ang tibay ng lupa,
naliligaw ang sinumang dumalaw.
gayunpaman, mamamatay ang hayop
at matatamnan ng dumalaw na naligaw.
bungal ngunit isinasabak.
malambot ngunit ipinapasok.

batas,
 na hanggang kalatas
 na lamang, hindi lalabas
 ni mag-aangas
 ng kakayanan sa tagasipsip ng katas
 ng paghihirap at dahas
 dahil ika’y mahina lahat ay ligtas.

ipapakulong kaya ako kung mabasa nila ito?
o isa na naman sa pakulo, may maipasa lang ang mga naka-upo?

(Source: istokwa)

Pulpolasyon

Lumabas ako, at nakilala ko
kung sino ang aking mga nakakahalibilo
                                                             Pumasok ako, nagkubli at tumakbo.
                                         pinaliligiran ako ng mga sabay-usong madlang tao.
Kung anong nakararami, sila’y naroon
mga langgam na nagkumpulan sa isang
lugar kung sa’n matamis ngunit may patibong
basta mapawi ang gusto, mangmang
                                                                 Tumakbo ulit, nakakita ng bago.
                                       kanina ay sabay sa uso, ngayon nama’y mga gago.
Mga grupong hindi parang robot,
walang puso panigurado magbibigay ng tulong
ngunit ang mukha’y nasa lata’t supot.
Sa baha’y ika’y aabutin ni Lolong.
                                                       Huli ka balbon, nakasuot pa ng barong.
                                             gayunpama’y buhay ang pagiging barumbado,
                                                            bukas makalawa’y sana nasa karo
                                       nang kahit ang Maylikha ang maka-alam ng plano.

                       Minsan naging bulag at ngayon nakakikita
                        kung anong pinagkaiba ng mali sa tama
                          ‘tong mga taong nakapaligid sa’kin
                      ay gutom pero mas namumutawi ang sakim
                          sa puso’t buong buhay at dignidad
                                    papalapa ka pa ba?
                                   gayong nahuli na sila

(Source: istokwa)

umiiyak ang mga ulap, nagrereklamo na ang semento at mga basurang natatamaan ng mga patak nito. pasasaan ba’t magiging masaya rin ang ulap, mawawala rin ang basura at matatakpan din ang mga uka ng semento na kasalukuyang naghihimutok. ngunit hanggang kailan, sino ang unang gagawa at may panahon pa bang bibilangin ang mga ito upang maging tuluyang maging masaya sila o baka naman umaasa na lang sila tulad ng pag-asa ko na mapansin din ako ng aking hinahangaan?

magkagayon ma’y kung may haharutin man siya bukas ay sana magkasipon siya at lumobo ito sa harap ng kasalukuyan niyang kinalalantari o madulas siya sa harap ng maraming tao.

Haka-la

Kung makapagsalita,
   akala mo’y bihasa na
   pakiwari’y matatas
   nguni’y wala namang alam sa batas

Kung makahusga,
   akala’y napakagaling na
   pakiwari’y walang hinuhusgahan
   ‘yon naman pala’y hugas-kamay lang

Kung makapagkwento,
   akala’y alam na ang lahat
   pakiwari’y updated ‘lagi
   ‘yon naman pala’y sa katotohana’y bingi

Kung… kung…,
   ‘di bale na lang
   baka may masabi
   manghusga o gawa’n niyo pa ako ng tali—
  
  

(Source: istokwa)

Ulam, sangkap at punong tagapagluto.

Kung magagaling lang na chef ang lahat ng tao sa kapuluang kinabibilangan ko at maging ako, siguro nagkaroon ng tamang lasa o baka napakasarap ng ekonomiya natin. Kung magaling lang kumilatis ng angkop na mga sangkap na magiging mahalaga sa lutuin magiging malinamnam ang kalalabasan ng ekonomiya. Hindi yung bili ng bili o pipili lang ng maganda ang kondisyon sa labas pero sa loob pala ay bulok. Wala. Kaya ganun. Sa mga mamimili nagsisimula, matatapos sa mga sangkap at ang kalalabasan ay napakasarap na ulam. Malupit na bansa.

Tsaka kung ang mga sangkap ay hindi magkukunwaring malinis at katakam-takam sila hindi magiging mapakla ang kalalabasan. Sa susunod na mga botohan, maging mapanuri, mapagmatyag, MATANGLAWIN! at gawing mataas ang standards sa mga magiging sangkap.

(Akala naman, pwede nang bumoto. Wala pa naman akong karapatang magreklamo, wala pa akong kapangyarihang bumoto. Hihihi.)

(Source: istokwa)

Limitasyon ng limitasyon

Ano nga ba ang limitasyon ng limitasyon?

Laging may mali. Laging may sobra. Laging may lagi, hindi pwedeng magkaroong ng kulang sa sobra ni sa sobra na kulang. Puro salita anong gawa. Ang wirdo lang kung gagawa ka ng isang bagay na walang kahit isang salita, baka maakusahan ka pang pakialamero. Pakialamero, sa’n nga ba pumapasok ang pagiging pakialamero? Sa pagsobra ba sa limit, pero ano ang limit? Sa’n ang limit? May limit nga ba talaga o ayaw lang nating malaman ng iba ang tinatago? O baka naman para lang may masabihang, “Alam mo, pakialamero ka, chee!”. Kaya nga maraming alam kasi pakiALAMero. 

Kung hindi naman pakialamero ang sasabihin, magiging huli ka naman sa balita eklavush. Maraming pamantayan, daming batas, daming limitasyon, daming ewan, nalalampasan naman. Nasisira naman. Napagwawalang bahala naman. Walang kwenta.  May linya ba talaga sa dulo ng karagatan tulad ng lagi nating nakikita, wala di ba? Ganun na yun, kayo na bahalang magkonek.

(Source: istokwa)

Buntisin mo na lang ako, sinta’y walang humpay na ligaya…

Isang gabi, naglalakad ako sa may kalye malapit sa baranggay hall, lugar na pugad ng nakamicro-mini short at mga sando-mukal boys. Madilim, tahimik bukod na lamang sa maririnig ang ‘uh-eh’ ng paulit-ulit. Maraming dumadayo sa lugar namin. Mga mapuputi, sunog at mga kapwa kayumanggi. Sa halagang 300 ay may mahihindot na, ayon sa kapitbahay naming minsan naging parokyano, minsan dahil ngayon ay hindi na iyon ay dahil nahuli ng misis niya. 

Sa tingin ko hindi makatarungan ang tatlong daan sa isang sesyon. Tatlong daan para sa puri, dangal at katauhan ng isang tao, talagang hindi. Ngunit wala na akong magagawa, kasalanan din ‘to ng panahon, taong bumabalot sa bawat isa at mga nasa panunungkulan.

Nang mahalal ang mga kongresista’t senador ngayon ay wala nang kahihinatnan ang bansa. Mga papansin dito, mga under-the-table doon. Pilit na tinatago ang mga tunay na problema ng bansa at tinatakpan ng ma isyu ng mga nanunungkulan—nakaraan man o kasalukuyan— na kailangang ipaalam pa kung magkano ang kinupit ni ganito at kailangang ipa-televise pa. At mga bulsahan at patagong pangungulimbat ng pera ng bayan na magiging pera parin sana ng bayan kaso naging pera na ng mga naka-upo. Ang resulta, nakakalimutan ang mamamayan, kesyo nabawasan daw ang nagugutom ay magaling ang estratehiya hindi ba pwedeng namatay na sa kahihintay sa landasing tuwid na pinangako? 

Nakuha pang magreklamo na tumaas na ang bahagdan ng prostitusyon at maagang nagkaka-anak na mga kabataan. Hindi ko na talaga masisisi ang mga taong nakatambay sa kalapit na baranggay. Mahirap na ang buhay. Sino pa ba ang hinihintay? Mas mabuti na raw ang ganitong gawain kaysa mamatay at magising na lang ng walang buhay. May ligaya sa mabuhay na naghihirap kaysa sa mamatay ng naghihirap din. Wala naman nang ibang pagpipilian ang lahat kundi ang umangat na lamang sa buhay.

(Source: istokwa)

“Masyado tayong tutok sa mga maliliit na bagay kaya nakakaligtaan nating may mas mahalaga pa palang bagay na dapat sana ay ginawa na bago pinagtuunan ang iba.

Bababa ba ang demand ng produkto na magiging sanhi ng pagbaba ng presyo ng mga bilihin kung makukuha o makikita ang kanino-ninong SALN? Madadagdagan kaya ang porsyento ng empleo kung ma ma-impeach? Duh? Isa lang ang matatanggal pwede namang itago ang bagay na yan. Walang gagamitan ang isyung yan. Makakain ba ako ng limang beses kung araw-araw na ipalalabas yan o ibabalita. Ewan. Pili ang mga isinasalang sa mga telebisyon, pangmayamang sangkap na lang ang niluluto. Tinapon at pinababayaan na lang mabulok ang pangmahihirap na sangkap. 

Dami kong sinat-salitype, Tetris na lang tayo.

(Source: istokwa)

Emo

One side. Tinatago ang katotohanan.

Mainit ang hanging binubuga ng bentilador. Mabaho ang simoy ng hangin gawa ng mga walang habas kung dumuming mga aso. Maingay ang eksena sa labas, mga tsimosang naninira ng buhay nang may buhay, mga basagulerong magsisimula ng away at mga usiserong nakikinood sa palitan ng maaang-hang na salita na siyang binibitiwan ng mga tanggero. Mahirap nang lumabas baka sa’kin pa bumaling ang pansin nila at ako ang pag-usapan tsaka kaka-uwi ko lang lalabas na naman ako, ang awkward.

Wala na akong oras para makipag-okrayan sa labas. Isinara ang bintana, isinunod ang kurtinang inaalikabok na sa katagalan ng panahong hindi nalabhan, isiniwitch ang telebisyon habang nilalanghap ang air freshener na katabi lang ng upuang kinalalagyan ko. Sumambulat ang balita, nainis ako ng bahagya dahil sa loob-loob ko nalalaman kong unti-unti (tayo)akong pinipikot ng mga piling balita na ipine-presenta sa telebisyon kaya biglaan kong pinatay sayang din kasi sa kuryente. Kinuha ang bagong labas na dyaryo sa ilalim ng babasagin naming mini-mesa, binuklat. Nagulat, puro na lang patayan, wala bang kikilan? yung kikilan na nangyayari sa ilalim ng mesa ng pinakatuktok ng pedestal.

Nang medyo nag-init na ang batok ko sa kainisan, minabuti ko nang makipaglampungan kay binibining kama at hinila ang nagpapangiti at nagtuturo sa’king libro. Binitiwan ang hawak. Nagmura.

“Puta, ang laki talaga ng impluwensya ng pera. Pesteng mga media yan, akala ko mapagkakatiwalaan. Bakit pag-usapang presidente nasa entertainment section? Dapat hine-headline nila ang mga kabulastugang ginagawa ng nakaupo. Pesteng mga mukhang pera yan. Nakakagago.”

Tumahimik ang paligid at bumira ako muli. 

“Leche, maka-upo lang ako jan kukupitan ko ang mamamayan para sa mamamayan din, kesa naman hayaan kong maghirap ang sinasakupan ko habang ang mga pinaupo kong mga opisyal ay nagsisilangoy na sa mga bulto-bultong pera. Ako ang bubuhay kay Robin Hood. Gagawin kong pantay ang lahat kahit na ang nauna kong ginawa ay labag sa kasasabi ko lang. Putsa. Emo na ang Pilipinas, pinalalala pa ng media. Ayan, lugmok na tuloy unti-unti nang kumukupas ang kinang ng perlas ng Silanganan. Leche.” 

(Source: istokwa)

Fo(e)-Reign.

Proud to be a Filipino, kuno.

Nakapagsuot ka na ba ng barong? Kung babae ka’y baro’t saya naman? Ang tanong, pilipino ka bang ganap o pilipino lang sa salita at wala sa gawa? Ano bang tinitibok ng utak mo at ginagana ng puso mo? Mga banyagang seksi o mga konserbatibong pilipina na hindi hinamak man lang na magsuot ng pekpek shorts o micro-mini ang pinasosyal na terminolohiya.

Mahilig tayong tumangkilik ng iba, pero ang sarili hindi. Kinalilimutan na, kumbaga sa pagmamahal (dito ko na lang ihahambing dahil marami namang nakaka-relate) mas pinahahalagaan ng isa ang iba kaysa sa sarili niya. Mas minamahal, mas inaalagaan, mas inaalala at mas iniisip. Parang ako rin kung minsan, mas naiisip ko pa kung ano ang kalagayan ng gamit sa loob ng bag ko kaysa sa sarili ko na nagmumukhang basura at nanlilimahid na damit sa harap ng maraming tao—matataas na tao.

Yung mga itinuturing ng mga bayani natin ay ngayon siyang matalik na kaibigan natin. Tayong may bansa iba ang nangingibabaw. Napapailalim ang sariling atin, hindi ako bitter kaya pinaskil ko ‘to, wala lang maihayag ko lang ang nasa bunbunan ko. Ang kalaban natin sa pag-angat ng ekonomiya ay umaangat na samantalang ang atin ay hindi pa dahil na rin nagpi-piling sila ay tayo rin. Na ang ang kaya ng iba ay kaya natin, tulad na lang ng nakaraang pagtaas ng mga bonus sa mga gov’t employees, tataas taas pa’no naman yung mga naghihikaos na kababayan nitong mga ‘to. Yung mga nagbabayad ng buwis ang siyang nangungulila sa mga naibibigay nilang buwis. Minsan nga nabu-buwisit na sila.

Talaga ngang naghahari na ang mga katunggali ng ating bansa sa pag-unlad, natatalbugan tayo, dahil na rin sa tulong natin, na siyang mas ibinabandera natin ang ibang bansa o ibang lahi. Foreign o local. Local o Foreign, ang gulo. Gusto nating mga mamamayan ng pilipinas, Nagrereklamo tayo sa isang bagay na tayo ang may gawa o ang dahilan. Gusto nating umunlad pero tayo ang gumagawa ng paraan para mapabagsak pa. Parang ‘to, pero ginawa ko ‘to para madrive, ang mga pusong sakim, chos. Mas mabuti pang mamatay kahit na walang nagawa, kesa naman sa buhay pero hindi makagawa ng paraan. 

(Source: istokwa)